Monday-Friday After It's Showtime
Show Logo

SHOW UPDATES

Shaina, Paulo, Aljur, at Julia kasado na ang laban para sa pag-ibig at hustisya sa “Asintado”

ABS-CBN Corp Comm January 08,2018 06:25 PM

 

Isang obra ang sasalubong sa bagong taon dahil mag uumpisa na ang kwentong aasinta sa laban ng dugo at puso, ang “Asintado” na pinagbibidahan ng Daytime Drama Queen na si Julia Montes kasama sina Shaina Magdayao, Paulo Avelino, at Aljur Abrenica simula Enero 15 (Lunes) sa Kapamilya Gold.

 

Mapupuno ng aksyon ang bawat hapon ng mga tagasubaybay ngayong makikilala na ng lahat si Ana (Julia), ang dalagang parte ng isang rescue team na pursigidong mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang kumupkop sa kanya, malagay man ang sarili sa kapahamakan. Wala mang inuurungang hamon sa buhay, patuloy naman ang pangungulila niya sa kanyang kapatid matapos silang magkahiwlay sa isang trahedyang pumatay sa kanilang mga magulang.

 

Sa kanyang serbisyo bilang rescuer, hindi namang inaasahang magkukrus ang landas nila ni Gael (Paulo), anak ng isang maimpluwensyang pamilya na kukuha sa kanya bilang personal nurse matapos siyang iligtas ng dalaga mula sa ilalim ng isang gumuhong minahan.

 

Sa kanilang pagsasama, magkakalapit ang kanilang mga puso at tuluyang mahuhulog para sa isa’t-isa. Ngunit agad din itong mapuputol sa pagdating ni Samantha (Shaina), isang sikat na jeweler at dating nobya ng binata na gagawin ang lahat upang muling mabawi siya.

 

Dito mag-uumpisa ang paghihirap ni Ana dahil walang-awang ipapapatay ito ni Samantha upang hindi maging hadlang sa kanyang planong mapukaw muli si Gael. Ngunit hindi siya magtatagumpay dahil mabubuhay ang mortal niyang karibal sa tulong ni Xander (Aljur). Pero sa kanyang paggising, ibang buhay na ang kagigisnan ni Ana dahil ikakasal na si Samantha kay Gael, na lubos na pupuno sa puso niya ng galit at tutulak sa kanyang maghiganti matapos ang malagim niyang pinagdaanan.

 

Ngunit isang malaking sikreto ang maaaring bumago sa lahat — si Samantha ang nawawalang kapatid ni Ana na lalong sisira sa kanilang mga buhay sa oras na mabulgar ang katotohanan.

 

Hanggang saan nga ba aabot ang poot nina Ana at Samantha para sa isa’t-isa? Sino nga ba ang mananalo sa kanila sa laro ng paghihiganti?

 

Kasama rin sa cast ng “Asintado” sina Lorna Tolentino, Cherry Pie Picache, Lito Pimentel, Agot Isidro, Nonie Buencamino, Gloria Sevilla, Aaron Villaflor, Louise Delos Reyes, Julio Diaz, Empress Schuck, Chokoleit, Ryle Santiago, at Karen Reyes. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano.

 

Huwag palampasin ang serye na kasado ang pag-ibig at paghihiganti, ang “Asintado” simula ngayong Enero 15 (Lunes) sa Kapamilya Gold tuwing hapon sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-like ang fb.com/dreamscapeph at I-follow ang @dreamscape sa Twitter at Instagram.

 

Related