Weekdays at 11:30 AM
Show Logo

SHOW UPDATES

Kim, Gerald ikinasal na sa Ikaw Lang ang Iibigin

ABS-CBN.com November 07,2017 04:38 PM

Isang umagang puno ng pag-ibig ang sumalubong sa mga manonood matapos nilang matunghayan ang inaabangang pag-iisang dibdib nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson) sa Kapamilya serye na “Ikaw Lang ang Iibigin.”

Naganap na nga ang pinakaimportanteng araw sa buhay nina Bianca at Gabriel matapos ang kanilang kasal na nagmarka sa pag-uumpisa ng panibagong yugto ng kanilang buhay. Dinaluhan din ito ng kanilang mga mahal sa buhay na nagpakita ng suporta at nagpadama ng mainit na pagmamahal na lalong nagpasaya sa okasyon.

Ngunit hindi rin napigilan ang pagpatak ng mga luha sa pagsariwa ng dalawa ng kanilang mga naging karanasan at sa pagbabahagi ng kanilang mga pangako para sa isa’t-isa.

“Bianca, ikaw ang unang nagpatibok ng puso ko. Sinamahan mo ako para maabot ko ang mga pangarap ko. Pero ikaw ang pinakamalaking pangarap ko, ang makabuo ng pamilya nang kasama ka,” madamdaming sabi ni Gabriel.

“Gabriel, gusto ko magpasalamat sayo dahil hindi mo ko sinukuan simula nang unang tayong nagkakilala. Nangangako ako sa Diyos at sa harap ng mga taong nagmamahal sa atin, na ako ang magiging karamay at kakampi mo sa lahat ng problemang darating,” sabi naman ng emosyonal na si Bianca.

Naging mahirap nga ang daan ng dalawa tungo sa walang hanggan dahil na rin sa gulong dala ng nakaraan ng kanilang mga magulang na sina Maila (Bing Loyzaga) at Rigor (Daniel Fernando). Nagkaroon din ng pagkakataong sinubukan nilang umibig sa iba nang makilala nila sina Percy (JC Santos) at Alex (Arci Muñoz), ngunit pilit pa rin silang pinagtagpo ng pagmamahal nila para sa isa’t-isa.

Samantala, nakiisa din ang mga manonood sa ginanap na kasalan matapos manguna sa national TV ratings ang palabas. Nito ngang Lunes (Nov 6), nakakuha ang serye ng national TV rating na 17.9%, ayon sa datos ng Kantar Media, kumpara sa katapat nitong “The Lolas’ Beautiful Show” na nagkamit lamang ng 7.2%, base sa datos ng Kantar Media.

Naging usap-usapan din sa social media ang pag-iisang dibdib ng magkasintahan matapos manguna ang official hashtag ng palabas na #ILAIPagbubuklod sa listahan ng trending topics sa Twitter at umani ng libo-libong tweets.

Huwag palampasin ang seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).

 

Related