WEEKDAYS AT 11:30 AM

ABOUT


Ang Langit Lupa ay kwento ng isang pagkakaibigang nabasag at ang tanging magbubuo muli ay ang wagas na pagmamahal sa mga anak. Dalawang pamilya na para bang langit at lupa ang kapalaran, laging magkasama pero tila sa dulo lamang magtatagpo.

    Unang nagkrus ang buhay ng dalawang pamilya noong maliit pa lang si Lala (Yam Concepcion) at naging kaibigan nito si Dey (Alex de Rossi) na siyang napangasawa ni Joey (Jason Abalos). Pero hindi naging maganda ang kinahantungan ng pagkakaibigan ng dalawa dahil sa pagkamatay ni Dey. Sinisi ni Joey si Lala at ang asawa nito noon na si Ian (Patrick Garcia) dahil hindi nila nagawang ibigay ang perang kinailangan para maipagamot si Dey at naging dahilan ng maagang pagkamatay nito. Simula noon, pinutol na nila Joey ang  anumang koneksyon sa pamilya ni Lala.

    Ang hindi nila alam ay muling magkukrus ang kanilang landas nang magtagpo ang kani-kanilang mga anak na sina Princess (Xia) at Esang (Yesha). Si Princess ay anak nila Lala at Ian habang si Esang naman ang anak nila Joey at Dey. Sa dalawang batang ito, muling uusbong ang isang pagkakaibigang magdudugtong sa naputol na ugnayan ng kanilang mga magulang, at pagbubuklodin ang kani-kanilang pamilya.

    Pero hindi magiging madali ang lahat. Dahil magkakasakit si Princess na magiging dahilan para huminto ito sa normal na pag-aaral at manatili na lang sa bahay. At sa pagdating ng madrasta ni Princess na si Isadora.

    Pero mananatili ang matibay na pagkakaibigan ng dalawang bata at magpapatuloy ang pagsasala-salabit ng buhay nila Joey, Lala at Ian. Magiging saksi ang iba pang tauhan tulad nila Lolo Pogi (Buboy Garovillo), Batas (Jairus Aquino) at Heart (Sharlene San Pedro) sa maganda at tapat na pagkakaibigan nila Esang at Princess. Maging ang teacher ni Princess na si Kit (Tommy Esguerra) at kasambahay na si Cindy (Miho), ay hahanga sa tatag ng bawat pamilya sa gitna mga pagsubok na haharapin.

    Hanggang sa huli’y muling magtagpo at magdugtong ang mga buhay nila. Mga buhay na bagaman langit at lupa kung ituring ay hindi naging imposibleng magtugma.