Weekdays at 11:30 AM
Show Logo

SHOW UPDATES

Robin, Richard, Jodi, nagbabalik telebisyon sa “Sana Dalawa Ang Puso”

ABS-CBN.com January 18,2018 03:12 PM

 

Magsasama-sama sa unang pagkakataon ang tatlo sa pinakabigating mga bituin sa bansa na sina Robin Padilla, Richard Yap, at Jodi Sta. Maria sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN na “Sana Dalawa ang Puso.”
 

Balik-tamabalan muli ang Daytime Queen at King, Jodi at Richard matapos ang hit serye nilang “Be Careful with My Heart” noong 2012. Laking tuwa nga ni Richard noong nalaman niyang magkakasama muli sila ni Jodi sa isang proyekto.
 

“Gustong-gusto ko talaga siyang makasama muli kasi masarap katrabaho si Jodi at magaling siyang aktres,” saad ni Richard sa panyam niya sa TV Patrol.
 

Bagamat excited din ay aminado naman si Jodi na bagong hamon sa kanya ang pagganap sa dalawang roles lalo pa’t unang beses pa lang niya ito gagawin.
 

“Hindi naging madali para sa akin, pero very exciting. Isa ito sa challenging roles na ginawa ko,” ani ni Jodi.
 

Mula naman sa katatapos lang na box-office movie na “Unexpectedly Yours,” makakasama rin sa serye ang tinaguriang idol ng bayan na si Robin Padilla na huling nakita sa seryeng “Kailangan Ko’y Ikaw” noong 2013.
 

Kwento ni Robin, nagpasintabi pa siya kay Richard sa kanyang pagpasok sa eksena sa tambalang JoChard.
 

“Pinuntahan ko pa si Sir Chief (Richard) at nagpaalam ako kung pwede akong mag-over the bakod,” pag-amin ni Robin.
 

Pagbibiro pa niya, “Bata pa lang ay pinanonood ko na sila, sumasabog ang kagandahan ni Jodi.”
 

Sundan sa “Sana Dalawa ang Puso” ang kwento nina Lisa at Mona, dalawang babaeng magkamukha at parehas na tinatakasan ang mga problema sa kani-kanilang buhay.
 

Kilalang masipag at matapang na boss si Lisa Laureano sa family business nila na  Laureno Group of Companies. Magbabago ang ikot ng mundo niya dahil muli siyang ipagkakasundo ng kanyang amang si Juancho Laureano (Christopher de Leon) para ikasal sa anak ng kalaban nilang kumpanya si Martin Co (Richard). Para tumakas sa kanyang kapalaran ay makikitira siya sa trabahador nilang si Leo Tabayoyong (Robin).
 

Sa kabilang banda, ang kamukha niyang si Mona na tagakolekta ng taya at taga-alaga ng manok sa sabungan ay problemado naman na iahon ang amang nadawit sa isang networking scam.
 

Ano kaya ang mangyayari kapag natagpo ang kanilang mga landas? Matulungan kaya nila ang isa’t isa sa kanilang mga problema?
 

Ang naturang serye ay binuo sa ilalim ng Star Creatives, ang produksyon sa likod ng matatagumpay na serye tulad ng “Lobo,” “Imortal,” “Got to Believe,” “Pangako Sa Yo,” “Forevermore,” “Dolce Amore,” “Pusong Ligaw,” “A Love to Last,” at “La Luna Sangre.
 

Pakaabangan ang nalalapit na pagsisimula ng “Sana Dalawa ang Puso” sa ABS-CBN. Para sa karagdagang updates, i-follow ang @starcreatives sa Facebook, Twitter, at Instagram.

 

Related