Monday-Friday After The King Is In Love
Show Logo

SHOW UPDATES

Erich alindog ang panlaban sa “The Blood Sisters”

ABS-CBN.com February 09,2018 04:57 PM


Mabighani sa ganda at alindog ni Erich Gonzales sa mapangahas niyang pagganap bilang tatlong babaeng bunga ng isang kasunduan ngunit pinagwatak-watak ng kapalaran sa pag-uumpisa ng “The Blood Sisters” ngayong Pebrero 12.
 

Sa kanyang pagbabalik-telebisyon, bibigyang buhay ni Erich sina Erika, Carrie, at Agatha, ang tatlong kambal na mula sa isang surrogate mother ngunit nagkahiwa-hiwalay dahil sa kaguluhang dulot ng kasunduan ng kanilang mga magulang.

 

Mag-uumpisa ang kwento kay Erika, isang dancer sa bar na kinahuhumalingan ng mga kalalakihan. Ngunit sa likod ng pagpapainit sa entablado, isa siyang ina na nais na mapagaling ang kanyang anak mula sa malubhang sakit.
 

Unti-unti niyang maiaahon ang kanyang pamilya sa hirap sa tulong ng kanyang trabaho. Ngunit sa kabila ng ginhawa, may dalang kaguluhan ang pagiging dancer niya sa bar na babago sa kanyang buhay — isang malagim na krimen ang masasaksihan niya at pilit siyang hahabulin ng mga suspek upang tuluyan siyang patahimikin.
 

Gagawin ni Erika ang lahat upang makatakas, ngunit sa pagkakataong mahuhuli na siya ng mga kriminal, madidiskubre niyang mayroon siyang kakambal — ang doktor na si Carrie — ­at imbes na siya, ang kakambal niya ang papatayin ng mga bandido.
 

Sa pagkawala ng kakambal, magkakaroon ng pagkakataon si Erika na magpanggap bilang ang kapatid at danasin ang marangya nitong buhay. Ngunit sa pilit niyang pagtuklas sa tunay niyang pagkatao, malalaman niyang bukod kay Carrie, may isa pa siyang kakamabal — si Agatha — na makakasama niyang alamin ang tunay nilang pagkatao.
 

Ngunit hindi magiging madali ang lahat dahil kaakibat ng katotohanan ang mga panganib na maglalagay sa buhay nila sa kapahamakan.
 

Sa pagkukrus ng landas ng tatlong kambal, makuha na kaya nila ang mga kasagutan sa kanilang mga tanungan? Ang pagsasama kaya nila ay magdala ng katahimikan o kaguluhan sa kanilang mga buhay?
 

Kasama rin sa “The Blood Sisters” sina Enchong Dee, Ejay Falcon, AJ Muhlach, Cherry Pie Picache, Dina Bonnievie, Jestoni Alarcon, Ruby Ruiz, at Pamu Pamorada. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Jojo Saguin.
 

Panoorin ang pag-uumpisa ng “The Blood Sisters” ngayong Pebrero 12 sa ABS-CBN. Para sa updates, pumunta lamang sa fb.com/dreamscapeph o i-follow ang @dreamscapeph sa Twitter at Instagram.

 

Related