Jericho, Yen, Yam at Sam, bibida sa Love Will Lead You Back

ABS-CBN.com October 07, 2017 01:08 AM

Tampok ang apat sa mga tinitingalang artista ng henerasyon ngayon na sina Sam Milby, Yam Concepcion, Yen Santos, at Jericho Rosales sa isang kwentong tungkol sa kasal, pamilya, at pag-ibig sa pinakabagong primetime serye ng ABS-CBN na “Love will Lead You Back.”

“Hindi ito katulad ng mga nakaraang palabas na ang hinahain ay ang pagtataksil. Sa amin naman ay paano ka mananatiling tapat o faithful sa partner mo. Makikita mo rin dito ang kung paano haharapin ng mga karakter namin ng kani-kanilang relasyon,” sabi ni Echo sa naganap na media announcement ng ABS-CBN kamakailan.

Magsasama sa unang pagkakataon sa serye sina Jericho at Sam habang reunion project naman na matuturing ito ni Sam sa direktor ng show na si FM Reyes.

“Sobrang excited na ako sa serye na ito kasi ‘yung unang kong teleserye na ‘Maging Sino Ka Man,’ si FM Reyes ang direktor. Ngayong, pagkatapos ng 12 taon makakatrabaho ko ulit siya,” saad ni Sam.

Balik sa pagiging leading lady sina Yen at Yam na kapwa excited na na simulan ang proyekto.

“Dati kasi pinanonood ko lang sila. Ngayon kasama ko na sina Echo at Sam,” pagbabahagi ni Yam.

“Hindi katulad ng mga dating kong role na light lang, dito mas mature yung character at may asawa na ako dito,” dagdag naman ni Yen.

Bukod sa nangyaring media announcement ay sinorpresa din ng production team ng “Love Will Lead You Back” si Jericho na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Sept. 22. Isang video kung saan binati siya ng mga nakatrabaho niya sa industriya tulad nina Claudine Barretto, Anne Curtis, Bela Padilla, Erich Gonzales, Maja Salvador, at Piolo Pascual ang kanilang inihanda.

Naging emosyunal naman si Jericho sa tribute video ng mga nagawa niya sa nakalipas na 20 taon at kung bakit siya karapat-dapat bansagang Asian Drama King. Ang mga nagawang teleserye kasi ni Echo ay patuloy na tinatangkilik ng international audience particular sa Asya, Africa, Eastern Europe, at Latin America.

Kasama rin sa sa cast sina Allan Paule, Lotlot de Leon, Amy Austria, Cris Villanueva, Christian Bables, Hero Angeles, at Gab Lagman.

Ang “Love Will Lead You Back” ay bubuuin ng production team sa ilalim ng business unit head na si Ruel Bayani.

Abangan ang “Love Will Lead You Back” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @lwlyb_abscbn sa Instagram, @RSBDramaUnitNew sa Twitter at i-like ang official Facebook page ng programa sa https://www.facebook.com/rsbunit/.

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA