Weekdays at 11:30 AM
Show Logo

SHOW UPDATES

Kim, Gerald, Jake, Coleen, magbabakbakan para sa pamilya sa huling linggo ng “Ikaw Lang ang Iibigin”

ABS-CBN.com January 19,2018 05:54 PM

Pagmamahal sa pamilya at pag-ibig ang mangigibabaw sa puso nina Bianca (Kim Chiu), Gabriel (Gerald Anderson), Carlos (Jake Cuenca), at Isabel (Coleen Garcia) kaya naman walang sino man sa kanila ang magpapadaig upang ipaglaban ang kanilang mga mahal sa buhay sa huling linggo ng “Ikaw Lang ang Iibigin.”

Umpisa na nga ng kalbaryo ni Carlos ngayong ginulat siya ng pagbabalik ng akala niyang patay nang si Gabriel matapos itong magpakita sa isang bulwagan, dala-dala ang mga ebidensyang magpapatunay sa koneksyon niya sa mga sindikato. Patuloy ring mawawasak ang inaaakalang tagumpay ni Carlos dahil nakatakda nang mabulgar ang pagnanakaw niya ng milyong-milyong halaga sa Tiger Shark na mas magpapahirap sa kanyang takasan ang lahat ng kasalanang kanyang ginawa.

Ngunit hindi basta-basta padaraig si Carlos. Sa tulong ng kanyang asawang si Isabel, sisirain nila ang masayang pamilya nina Gabriel at Bianca sa napipintong pag-kidnap nila sa bagong silang na anak ng mga ito. Ito naman ang gagamiting pagkakataon ni Carlos upang mabawi ang lahat ng nararapat ay sa kanya sa muling pag-angkin niya sa lahat ng ari-arian ni Gabriel, kapalit ang buhay ng sanggol.

Pero sa kabila ng kaguluhan, mananatili ang tibay ng pagmamahalan at pagsasama nina Gabriel at Bianca at sisiguraduhing pagbabayaran ng kanilang mga kalaban ang lahat ng kanilang kasamaan.

Magtagumpay nga kaya sina Carlos at Isabel sa kanilang mga plano? Maging sapat nga ba ang pagmamahalan nina Bianca at Gabriel upang malampasan ang lahat ng pagsubok?

Mula nang umere ang serye noong Mayo 2017, tinangkilik na ng mga manonood ang matamis na kwento ng pag-ibig ng “Ikaw Lang ang Iibigin.” Araw-araw itong nanguna sa national TV ratings, ayon sa datos ng Kantar Media, at nagdala ng kilig at inspirasyon sa mga manonood.

Kinapulutan din ito ng aral tuwing umaga sa pagpapatunay ng mga karakter nina Bianca at Gabriel na posibleng maabot ang mga pangarap kung ito ay pagsusumikapan. Hindi sila kinakitaan ng panghihina sa kabila ng mga hamon ng buhay at patuloy na lumaban para sa pamilya.

Ang serye rin ang nagmarka sa muling pagbabalik-tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson. Kasama rin sa cast ng “Ikaw Lang ang Iibigin” sina Gina Pareño, Michael De Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Nicco Manalo, Andrea Brillantes, at Grae Fernandez. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Dan Villegas at Onat Diaz.

Huwag palampasin ang huling linggo ng seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).

 

Related