Weekdays at 11:30 AM
Show Logo

SHOW UPDATES

Kim at Gerald, sasagipin ang anak sa huling linggo ng “Ikaw Lang ang Iibigin”

ABS-CBN.Corp.Comm January 23,2018 07:46 PM

 

Malayo pa mula sa katapusan ang kaguluhang magaganap sa buhay nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson) dahil ang bagong silang nilang anak ang gagamitin nina Carlos (Jake Cuenca) at Isabel (Coleen Garcia) upang makipaghiganti at bawiin ang lahat ng nararapat sa kanila sa huling linggo ng “Ikaw Lang ang Iibigin.”

 

Nakatakda nang pagbayaran ni Carlos ang lahat ng kanyang kasalanan ngayong bistado na ang ugnayan niya sa mga sindikatong gustong patayin si Gabriel, pati na rin ang walang awang pagpatay niya kay Nanay Maila (Bing Loyzaga), ang ina ni Bianca, kasama ang ama niyang si Rigor (Daniel Fernando).

 

Dahil sa patong-patong na kaso, wala nang kawala si Carlos sa kanyang nalalapit na pagkakakulong at habambuhay na pagdurusa sa selda. Ngunit hindi magiging hadlang ang kulungan sa kanyang kasamaan dahil makikipagsabwatan ito sa asawang si Isabel upang dukutin ang anak ng mortal nilang kaaway upang muling mapasakanila ang kayamanang dapat nilang nakuha.

 

Ito ang magiging pinakamalaking hamon kina Bianca at Gabriel ngunit hindi sila susukong mabawi ang kanilang anak at gagawin ang lahat upang mailigtas ito nang magkasama.

 

Ano na nga ba ang kahihinatnan ng buhay nina Bianca at Gabriel? Magtagumpay nga kaya sina Carlos at Isabel sa kanilang masasamang plano?

 

Samantala, patuloy naman ang pangunguna ng “Ikaw Lang ang Iibigin” sa huling linggo nito. Noong Lunes (Jan 22), nagkamit ang serye ng national TV rating na 18.9%, kumpara sa katapat nitong “The Lolas’ Beautiful Show” na nakakuha lamang ng 6.3%, ayon sa datos ng Kantar Media. Mainit din ang pagtangkilik ng netizens sa palabas sa pangunguna nito sa listahan ng trending topics sa Twitter matapos umani ng libo-libong tweets.

 

Huwag palampasin ang huling linggo ng seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).

 

Related