MONDAY-FRIDAY AFTER ANG PROBINSYANO!

PHOTOS

Show Logo

Abangan ang pagbabalik ni Angel Locsin sa The General's Daughter kasama ang pinaka-mahuhusay na aktor mula sa iba't ibang henerasyon

ABS-CBN.com January 08, 2019 09:43 PM
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title
Album Title


Magbubukas ang taon nang puno ng aksyon sa pagsasama-sama nang pinakamahuhusay na mga aktor ng iba’t-ibang henerasyon sa inaabangang seryeng The General’s Daughter na mapapanood simula ngayong Enero 21.
 

Pinangungunahan ang The General’s Daughter ng nagbabalik-primetime na si Angel Locsin na gaganap bilang Rhian Bonifacio, ang anak ng tinitingalang heneral ng militar na patuloy na maghahangad ng pagmamahal ng kanyang pamilya. Itinuturing nga ni Angel na isa ito sa pinakamahirap na karakter na kanyang ginampanan sa isang serye.
 

“Marami akong nagawang roles, pero masasabi ko na ito ‘yung pinaka-complex na character gagawin ko. Mahirap po siya. Pero fun dahil ang mga kaeksena ko magagaling umarte, so nakakakuha ako sa kanila ng emosyon,” sabi ng Primetime Action-Drama Queen.
 

“I think ito yung perfect moment na babalik po ako ng teleserye. Parang nandito po lahat ‘yung dream ko makatrabaho. Napapaligiran (ako) ng mga idol ko po, mga tinitingala, at nirerespeto ko po sa industriya,” papuri naman niya sa cast ng serye.
 

Mapapanood din sa serye ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III bilang si Gen. Santiago Guerrero, ang ama ni Rhian na huhubog sa kanya bilang pinakamagaling na sandata laban sa kanilang kalaban. Kasa-kasama din nila si Amelia, na gagampanan ni Janice De Belen, ang ina ni Rhian na puno ng galit dahil sa pagkamatay ng panganay niyang anak.
 

Kaabang-abang din ang muling paglabas sa primetime ni Albert Martinez bilang Gen. Marcial De Leon, ang mortal na kaaway ni Santiago na sinisisi nito sa pagkamatay ng kanyang anak. Muling pabibilibin naman ni Eula Valdez ang mga manonood sa pagganap niya kay Corazon, ang butihing asawa ni Marcial.
 

Mula pa noong pagkabata, ipinamulat na kay Rhian na kaaway niya ang mga De Leon, kaya naman papasok siya sa militar bilang espiya upang mapabagsak ang taong pumatay sa kanyang kapatid. Ngunit sa paglapit niya sa mga De Leon, mas mapapalapit din siya sa sekretong bumabalot sa kanyang buhay --- si Marcial ang tunay niyang ama, at ginawa lamang siyang tauhan ni Santiago upang mapabagsak ang mortal na kaaway ng kanilang pamilya.
 

Magiging balakid din kay Rhian ang pag-ibig sa pagpasok sa buhay niya nina Franco (Paulo Avelino) at Ethan (JC De Vera), na parehong mag-aagawan para sa pagmamahal niya. Makikilala niya rin ang kanyang karibal na si Jessie (Ryza Cenon), ang dating nobya ni Ethan na makikipagkumpitensya kay Rhian para muling makuha ang dating mahal.
 

Samantala, makakasama rin sa serye ang batikang aktres at Diamond Star na si Maricel Soriano sa pagganap niya bilang Isabelle, ang babaeng kukupkop kay Rhian matapos itong mabaril at malunod sa dagat. Sa tulong niya, mas makikilala ni Rhian ang sarili at malalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkatao,
Ipapakita naman ni Arjo Atayde ang husay niya sa pag-arte bilang ang special child na si Elai, ang anak ni Isabelle na patutunayan kay Rhian na sa puso makikita ang tunay na karakter ng isang tao.
 

Magbibigay kulay din sa serye sina Ronnie Alonte bilang si Ivan at Loisa Andalio bilang Claire na kakikitaan ng pag-ibig sa kabila ng kaguluhan sa kanilang paligid.
 

Makakasama rin sa The General’s Daughter sina Art Acuna, Anne Feo, Cholo Barretto, Kim Molina, Kate Alejandrino, Luz Valdez, at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direkyon nina Manny Palo at Mervyn Brondial.
 

Tutukan ang The General’s Daughter sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). 

 

Related