Elisse, Arielle at Barbie, mapapanganib ang buhay dahil sa social media sa “You Have Arrived” ng iWant

ABS-CBN.Corp.Comm October 24, 2019 09:53 AM

 


Malalagay sa alanganin ang mga buhay nina Elisse Joson, Arielle Roces, at Barbie Imperial dahil sa pagiging uhaw sa atensyon sa social media sa iWant original movie na “You Have Arrived,” na mapapanood simula ngayong Oktubre 25 (Biyernes).


Iikot ang kwento ng digital movie sa mga magkababata at micro-influencers na sina Arianne (Elisse), Flo (Arielle), at Dani (Barbie) na ang tanging kagustuhan ay makakolekta ng maraming likes, views, at followers ang online accounts nila. Ang kwento nito ay nilikha ni Shugo Praico, na siya ring nagsulat at nagdirek ng iWant original series na “Bagman.”


Magsisimula ang mga problema ng tatlo nang i-livestream nina Flo at Dani ang panghihipo kay Arianne, na siya namang magiging dahilan ng pagkawala ng followers nito. Dahil sa pangyayari, magkakagulo ang pagkakaibigan nila at magsisisihan dahil sa pagkasira ng pangalan ni Arianne.


Dahil desperadong makuhang muli ang nawalang followers, tatanggapin ni Arianne ang isang imbitasyon sa isang misteryosong “Epik Party,” na sinasabing isang event para sa mga malalaking influencers. Kahit pa sila ang may sala sa pagguho ng reputasyon niya, iimbitahan ni Arianne sina Flo at Dani sa naturang event sa pangarap na sumikat at mapalaki pa ang kani-kanilang social media following.


Dadalo ang tatlo sa party na inaakala nilang mag-aangat sa kanilang online careers, ngunit madidiskubre nilang isa lamang itong malaking pagpapanggap para takpan ang katotohanang isa itong mapanganib na prostitution ring. Sa pagtakas ng tatlo mula sa kapahamakan, mapipilitan silang lumaban at dadanak ang dugo para masalba ang kanilang buhay.


Makakalabas kaya nang buhay ang tatlo? Tuluyan na bang magtatalikuran ang magkakaibigan o patitibayin ng insidente ang kanilang samahan?


Ang “You Have Arrived” ay mula sa produksyon ng Rein Entertainment at Cinebro, na gumawa rin ng “AWOL” na pinagbidahan ni Gerald Anderson, ang kauna-unahang action movie ni Erich Gonzales na “We Will Not Die Tonight,” at ang unang pagtatambal nina Derek Ramsay at Jessy Mendiola sa iWant original movie na “Mga Mata Sa Dilim.”


Sundan ang mga madugong tagpo sa “You Have Arrived” simula Oktubre 25 sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA