TV Patrol

Ika-14 na anibersaryo ng kamatayan ni FPJ ginunita ng kanyang pamilya at mga tagahanga

ABS-CBN.com December 14, 2018 08:29 PM


Nagpamisa at namigay ng munting tulong sa mga mahihirap ang mga nagmamahal kay ‘Action King’ Fernando Poe Jr. bilang paggunita sa ika-labing apat na anibersaryo ng kanyang kamatayan.


Sa misa idinaan ng pamilya ni FPJ ang paggunita sa kanyang buhay at ikalabing apat na taong kamatayan. Pumanaw si FPJ noong December 14, 2004, ilang buwan matapos bigong manalo sa Presidential elections.


Isa sa plataporma noon ni FPJ ang bigyan ng magandang buhay at totoong hustisya ang mga mahihirap, mga bagay na hanggang ngayon, hindi pa rin nakakamit ayon kay Father Larry Faraon.


Tuloy-tuloy pa rin ang ating ika nga’y pagpapatuloy ng walang katapusan na buhay at larawan ng ating iniidolong si FPJ. At ang kanyang mithiin ang kanyang mga pinangarap para sa kanyang bayan ay hindi matatapos,” ani Father Faraon sa kanyang misa para sa ‘Da King’.


Dumalo sa misa ang biyuda ni FPJ na si Susan Roces at anak na si Senador Grace Poe. Naroon din ang kapatid ni FPJ na si Elizabeth Kelly Poe, mga malalapit na kaibigan at mga tagahangang dumayo pa ng Manila North Cemetery.


Ayon kay Susan, mas pinili niyang tumingin sa mga positibong alaalang naiwan ng kanyang asawa.


Ipagpapatuloy natin kung ano man ang sinimulan niya, na para sa nakararami. Instead of dwelling on the negative, I would encourage perhaps being more positive. Let’s think positive and let’s make him our source inspiration,” ani Susan.


Itutuloy pa rin ni Senador Grace Poe ang naiwang laban ng ama, “Marami pa rin tayong problema na dapat nating ayusin. Nakikita naman natin ‘yung mga dating may mga kasalanan sa bayan ay nanunungkulan.”


Bago matapos ang programa, namahagi ang mag-inang Poe ng mga regalo sa mga residente sa loob ng sementeryo.


Ang buong detalye sa pagpapatrol ni Sherrie Ann Torres.


If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph

If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv
 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA