TV Patrol

COMELEC, tututukan ang showbiz appearances ng mga artistang kakandidato sa halalan

ABS-CBN.com January 11, 2019 08:25 PM


Tututukan ng COMELEC ang showbiz appearances ng mga artistang kakandidato sa halalan kapag nagsimula na ang nakatakdang campaign period.


Tinukoy kamakailan ng Commission On Elections ang posibilidad ng disqualification ni Senatorial candidate Bato Dela Rosa dahil sa produksyon ng kanyang life story tampok si Robin Padilla.


“Exhibition during the campaign period is likely to be counted as an election offense and election offense can be punishable by disqualification,” ani COMELEC Spokesperson James Jimenez.


Pero giit ng manager ni Dela Rosa, wala silang lalabaging COMELEC guideline.


“The premiere night will be on January 29, and the airing will be on January 30 until February 11, so what’s the issue there? We know naman ‘yung aming parameters that by February 12 there will be an election ban,” ayon naman kay Arnold Vegafria, Movie Producer at manager ni Dela Rosa.


Buwelta rin ng kampo ni Dela Rosa, bakit daw siya ang pinupuntirya ng COMELEC, “Bakit si Lito Lapid is running for senate, pero nandiyan pa sa ‘Probinsyano’ hanggang, I don’t know until when siya sa ‘Probinsyano’. Siguro alam din nila, ‘yun dapat tanungin din ‘yung kay Lito Lapid na nasa ‘Probinsyano’ na rin siya. Eh eto, hindi naman si General Bato ang lumalabas sa pelikula kundi sa story niya lang.”


Tiniyak naman ng anak ni Lito Lapid na si Mark Lapid na susunod sila sa COMELEC guideline. Nasa kamay na daw ng Dreamscape creatives kung paano ang magiging transisyon ng karakter ni Lito Lapid sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang pinuno ng mga Vendetta. Ito’y bago mag-umpisa ang official senate at partylist campaign sa February 12.


Mismong si Mark na tatakbong Mayor ng Angeles City ay aalis sa naturang hit teleserye  sa March 28.


Susubaybayan din ng COMELEC ang pagtigil ng showbiz appearances simula March 29 ng mga kandidato sa local positions gaya nina Edu Manzano, Roderick Paulate, at Jhong Hilario.


Ang buong detalye sa pagpapatrol ni Mario Dumaual.


If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph

If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv
 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA