TV Patrol

Huling lamay ni Chokoleit sa Antipolo, nagmistulang comedy bar dahil sa hiling niyang maging masaya

ABS-CBN.com March 15, 2019 08:21 PM


Nagmistulang comedy bar ang huling gabi ng lamay ng komedyanteng si Chokoleit. Ito raw ay dahil ayaw niyang maging malungkot ang kanyang mga kaibigan noong siya’y nabubuhay pa.


Kagabi ang huling lamay ni Chokoleit sa Antipolo bago ilipad ngayong araw sa Davao kung saan siya ihahatid sa huling hantungan ng kanyang pamilya.


Dumalo sa tribute ang maraming kaibigan kabilang ang mga katrabaho sa telebisyon at comedy bar kung saan nagsimula si Chokoleit na tinaguriang MNR o Mahal Na Reyna sa entablado ng pagpapatawa.


Sa misa pa lang ay tila pati ang pari ay alam na ayaw ni Chokie ng malungkot na tribute. Ang tunay na magandang buhay daw ay nando’n sa kabilang buhay.


Sumunod dito, tila primetime comedy bar ang naging vibes kasama ang ibang kaibigan na sina Pokwang, Pooh, K Brosas at Vice Ganda. Nagkakaisa sila na si Chokoleit ang maituturing na pioneer ng comedy bar.


May kwento si Chokie na hindi nila makakalimutan.


“Ang hindi ko makakalimutan na chika niya ‘yung pinanganak siya tapos iniwan sa incubator. Two years old na, hindi pa rin siya kinukuha hanggang sa binigyan na siya ng address ng nurse, ng doktor, o uwi ka na. Dala-dala raw niya ‘yung backpack niya, umuuwi,” kwento ni Pooh.


Paliwanag nila, hindi nila sinasalaula ang lamay ng kaibigan. Sadyang ito raw ang gusto ni Chokie, ang laging masaya. Katunayan ay may kwento sila tungkol sa pagpanaw.


“Sabi niya, nung nagbibilin siya, noon pa, mga in passing na chikahan lang, gusto niyang magpa-cremate. Tapos ‘‘Yung abo ko, gusto ko, ikalat n’yo sa palabok, tapos ipakain daw sa mga nakikiramay.’ Dahil masunurin kami, ginawa namin,” natatawang kwento rin ni Vice.


Napunta rin sa mga pamahiin ang usapan, “At tsaka ‘di ba ‘pag kunyari may pumapanaw, malalaman mo ‘pag nagpaparamdam o nagmumulto, nangangamoy kandila o nangangamoy bulaklak, bumabango. So ‘pag bumabango, hindi si Chokoleit ‘yung nagpaparamdam.”


At sa comedy bar na kanyang pinagmulan, kung may patawa, meron ding kantahan. Pamamaalam sa isang matatag na kaibigan ang handog ni K nang awitin nito ang “Warrior Is A Child.”


Ang mga eksena sa pagpapatrol ni Marc Logan.


If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph

If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv
 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA