TV Patrol

Armida Siguion-Reyna, pumanaw na sa edad na 88 dulot sa komplikasyon ng cancer

ABS-CBN.com February 11, 2019 08:33 PM


Pumanaw na sa edad na 88 ang beteranang artista na si Armida Siguion-Reyna. Ayon sa kanyang kapatid na si Irma Potenciano, yumao ang haligi ng musika at sining Pinoy kaninang hapon sanhi ng komplikasyon ng kanser.


Hindi malilimutan ang matinis na boses ni Armida Siguion-Reyna na naging pamilyar sa maraming henerasyon na nanood ng TV show niyang “Aawitan Kita.” Itinaguyod niya ang kundiman at iba pang awiting Pinoy.


Nag-training bilang opera singer kasama ang kapatid niyang si Irma Potenciano si Armida. Pero lumawak pa ang kanyang sining sa pagganap niya sa pelikula bilang bida at kontrabida ng maraming bituin tulad nina Fernando Poe, Jr. at Nora Aunor.


Mula dekada 70, naging producer din siya ng mga hindi malilimutang pelikula tulad ng “Hihintayin Kita Sa Langit” at ang kontrobersyal na “Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin”.


Tumatak si Armida sa pakikibaka niya sa kalayaan ng sining kasama ang mga direktor gaya nina Lino Brocka, at Ishmael Bernal gayundin bilang pinuno ng MTRCB noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada.


Huling naging aktibo si Armida sa showbiz sa paglunsad niya ng kanyang biography na “Armida: The Singer and The Song” noong 2015 sa panulat ni Nelson Navarro. Nakapaloob dito ang lahat ng kanyang pagsisikap bilang ulirang asawa, ina at kampeyon ng artistic freedom.


Inaayos pa ang final arrangements para sa huling saludo kay Armida.


Ang buong detalye sa pagpapatrol ni Mario Dumaual.


If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph

If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv
 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA