TV Patrol

Ang Probinsyano team at DILG, nagkasundo na

ABS-CBN.com November 21, 2018 08:30 PM


Sa imbitasyon ng DILG at PNP, nagpunta ang aktor na si Coco Martin at ilang executives ng ABS-CBN sa Kampo Krame kanina para pag-usapan ang isyu sa top-rating teleserye na FPJ’s Ang Probinsyano.


Sa higit isang oras na pulong kasama sina Coco at DILG Secretary Eduardo Año, napag-usapan na naging puna ang PNP tungkol sa hindi umano patas na pagsasalarawan sa ilang pulis sa programa. 


Ayon kay Coco, naging maganda ang kinalabasan ng meeting. 


“Isang magandang pag-uusap itong nangyari ngayong hapon. Nagkapaliwanagan kami ngayon ni DILG Secretary Eduardo Año. Nagkaayos, nagkapaliwanagan ng bawat punto,” ani Coco.


Dagdag pa ng aktor, tuloy lang ang kanilang pagsuporta sa mga layunin ng PNP.


“Napaliwanag namin ‘yung side namin na itong mga ginagawa namin sa teleserye ay kumabaga inspirasyon para sa ating mga manonood, kaya ang ano po namin ngayon ay magtulungan kung ano ang mas ikabubuti at ikakaganda ng ating bayan,” dagdag pa niya.


Ayon naman sa DILG, mas naliwanagan ang lahat sa isinagawang pulong at hindi rin idedemanda ng ahensya ang ABS-CBN.


“From the very beginning, sinabi na namin na ayaw namin makansela ‘yung show, unang-una. Pangalawa, wala kaming intesyon na diktahan ang ABS-CBN o Ang Probinsyano sa kanilang plot. Iginagalang namin ang freedom of expression at ang creative license ng Ang Probinsyano,” ani Asec. Jonathan Malaya ng DILG.


Nakatandang sunod na makipagpulong ang team ng FPJ’s Ang Probinsyano kay PNP Chief Oscar Albayalde na una nang pumuna sa masama umanong depiksyon ng pulis sa naturang show.


Ang buong detalye sa pagpapatrol ni Raffy Santos.


If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph

If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv
 

 

Related

WHAT TO CHECK OUT ON SOCIAL MEDIA